-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Pasok na sa Palarong Pambansa ang ilang team ng Region 2 sa ginaganap na Cluster 1 Pre-National Qualifying Meet sa Ilocos Norte.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Project Development Officer IV Ferdinand Narciso ng DepEd Region 2 na pasok na ang Sepak Takraw Jr. ng Region 2 dahil nakatatlong panalo na sila.

Aniya, apat na rehiyon ang naglaban-laban sa Cluster 1 at Region 2 ang pinalad na manalo.

Bukod sa Sepak Takraw Jr. ay pasok na rin ang Baseball Secondary boys habang ang Volleyball Elementary boys ay nakadalawang panalo na kaya pasok na sila sa championship.

Ayon kay Narciso, may mga laro rin na hindi nila naipanalo at hindi maiwasan na nagiging emosyonal ang mga atleta kaya sinasabihan nila na talagang ganito ang laro, asahang may mananalo at may matatalo.

Hanggang ngayong araw ay may laro pa ang Region 2 lalo na ang mga may panalo.

Tiniyak naman niya na maayos ang kalagayan ng mga atleta at kung hindi maiwasan na may masaktan ay agad ding natutugunan ng kanilang medical team.

Aniya, napakagandang exposure ito sa mga atleta dahil sa murang edad ay naranasan nilang maglaro sa Pre-National Qualifying Meet.