Sa kabila ng “pork holiday” na isinagawa ngayong araw dahil sa sobrang baba ng price cap ng pamahalaan na P270 kada kilo, mayroon pa rin ilang negosyante ang hindi nakisabay sa welga ng mga kanilang mga kasamahan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay aling Christina Fuentes, nagtitinda ng karne ng baboy sa Pasay City public market, sinabi nitong wala naman daw siyang ideya tungkol sa isasagawang “pork holiday.”
Pero umangal naman ito sa price cap na itinakda ng pamahalaan dahil lugi raw silang mga negosyante ng karneng baboy.
Aniya ang kuha nila ngayon sa mga traders ng baboy ay P155 kada kilo mula sa P185 noong Sabado.
Hindi na raw sila kikita kapag susundin ang price cap dahil mayroon din naman silang binabayarang puwesto sa merkado publiko maging ang kanilang tauhan.
Dahil dito, hindi na nila sinunod ang price cap at ang bentahan ng kada kilo ng karne ng baboy ngayon sa Pasay public market ay P290.
Nasa P190 naman ang presyo ng kada kilo ng dressed chicken.
Ngayong araw epektibo na ang price cap per kilogram na P270 para sa kasim at pigue at P300 para liempo at P160 naman para sa dressed chicken.
Base na rin ito sa Executive Order (EO) 124 na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Wala naman umanong parusa sa mga retailers na nakilahok sa pork holiday protest dahil na rin sa price cap na P270.
Sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Noel Reyes, sa ngayon ay magmo-monitor daw muna ang Department of Agriculture (DA) sa mga pamilihan kung nasusunod ang price cap na inilabas ng pamahalaan.