KALIBO, Aklan – Sinimulan nang ipatupad ng ilang transport group sa Aklan ang dagdag pasahe sa bawat kilometro ng biyahe ng pampasaherong jeep sa lalawigan ng Aklan.
Kabilang sa nagpatupad ngayong araw ng Miyerkules ng provisional increase na aprubado ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Regional Office 6 ang Malinao Lezo Transport Cooperative.
Nabatid na mula sa dating P8.50 ay P9 na ang unang apat na kilometrong biyahe at may dagdag na P1.50 para sa mga susunod pang kilometro.
Kasabay nito, nangako ang naturang jeepney group na ibabalik ang dating pasahe sa oras na muling bumaba ang presyo ng petrolyo.
Sampung sunod na linggo na ang bigtime oil price hike na ipinatupad ng mga kompanya ng langis dahil sa patuloy na gulo sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Ang iba pang petisyon para sa fare increase ng iba pang transport group sa Aklan ay naghihintay ngayon ng pasya ng LTFRB-6.