-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Hindi makikilahok ang ilang transport groups sa Bicol sa ikakasang isang linggong tigil-pasada sa darating na Lunes, Marso 6.

Ayon kay Sorsogon Integrated Transport Federation President Ramon Dealca sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nanindigan ito na walang plano ang kanilang grupo na sumabay sa naturang transport strike.

Paliwanag nito na ayaw nilang pahirapan ang mga commuters lalo pa at karamihan sa mga ito ay mga mag-aaral at manggagawa.

Dagdag pa nito na noong na-pressure sila na sumabay sa transport strike sa nakalipas na mga taon, pinadalhan sila ng summon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at isa sa mga kasamahan nila ang pinagmulta ng ahensya.

Sa nakalipas na mga taon, 90% na paralisada ang transportasyon sa lalawigan tuwing nakikiisa ang grupo sa tigil-pasada.

Subalit sa kasalukuyan, sinabi ni Dealca na dalawang grupo na ang nago-operate sa lalawigan.

Nabatid na sa ilalim ng Sorsogon Integrated Transport Federation, nasa 200 units pa ang nasa ilalim ng kanilang grupo kaya malaki umano ang epekto nito sa mga commuters kung makikilahok sila sa isang linggong transport strike.