Ngayon pa lamang ay nag-abiso na ang University of Santo Tomas (UST) na kanselado muna ang kanilang klase at office work sa araw ng halalan sa Lunes, May 9 at pati sa May 10.
Ayon sa Office of the Secretary-General ng nasabing unibersidad, ito ay upang makaboto ang kanilang mga estudyante at staff sa national and local elections.
Una nang hiniling ng Commission on Elections (COMELEC) kay Pangulong Rodrigo Duterte na ideklara ang May 9 bilang special non-working holiday.
“We signed Resolution No. 10784 requesting the President Rodrigo Roa Duterte to declare May 9, 2022 as a special non working holiday all throughout the country in connection with the National and Local Elections,” wika ni COMELEC chairman Saidamen Pangarungan noong nakaraang linggo.
Layon ng resolusyon na magkaroon ng pagkakataon ang mga registered voters na makaboto.