-- Advertisements --

VIGAN CITY – Hinatak ng mga nagprotestang dating empleyado ng isang bus company sa Ilocos Sur ang ilang bus unit ng nasabing kompanya bilang pambayad sa mga suweldong hindi umano naibigay sa kanila.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, hinatak ng mga miyembro ng Times Employees Union ang ilang bus unit ng Dominion Bus Line na dating Times Transit Transportation Corporation sa bisa ng desisyon mula sa Department of Labor and Employment (DOLE)- National Labor Relations Commission sa National Capital Region.

Sa nasabing desisyon o writ of execution, nakasaad na maaring kunin ng mga miyembro ng nasabing unyon ang mga ari-arian ng kompanya upang mabayaran ang back wages nila mula 2011 hanggang 2017 na umabot sa higit na PHP 44 – milyon.

Ayon sa bise presidente ng nasabing unyon na si Ronald Fariñas, idadaan umano nila sa public auction ang mga hinatak nilang bus unit kung saan ang mapagbebentahan sa mga ito ay paghahatian ng mga miyembro ng kanilang unyon.