Nangangamba si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa version ng panukalang death penalty na inihain ni Sen. Bong Go, na baka maging dahilan para hindi makalusot sa Senado ang parusang bitay.
Sa panukalang batas na inihain ni Go, bukod sa drug trafficking kabilang din sa parusang bitay ang mga sangkot sa plunder o pandarambong.
Samantalang sa panukalang batas ni Dela Rosa, tanging ang mga drug traffickers lamang ang maaring maparusahan ng kamatayan.
Ayon sa dating PNP chief, kapag isinama ang mga mahahatulan ng plunder sa death penalty ay tiyak na mahihirapan na makalusot ito sa Kongreso kung saan marami aniyang tututol na mambabatas.
Nangangamba si Sen. Bato na baka madamay pa ang kaniyang death penalty bill para sa mga drug traffickers.
Nakatakda namang kausapin ni Dela Rosa si Go na huwag nang isama ang plunder sa parusang bitay para mas may pag-asa na makalusot ito sa mataas na kapulungan ng Kongreso.
Hindi naman tutol si Bato na maparusahan ng kamatayan ang mga sangkot sa plunder subalit hindi pa aniya napapanahon para isama ito sa panukalang death penalty ngayong 18th Congress.