TACLOBAN CITY – Nakatakdang magsagawa ng kilos protesta ang ilang mga naging biktima ng bagyong Yolanda kasabay sa gagawing ika tatlong State of the Nation Address (SONA) ni Presidente Rodrigo Duterte ngayong araw.
Ayon kay Jun Berino, secretary general ng grupong SAGUPA, ang dahilan daw ng kanilang kilos protesta ang pagsingil sa mga naging pangako ng administrasyon sa kanilang mga magsasaka na hanggang sa ngayon ay hindi pa natutupad.
Partikular na rito ang pagtanggal ng rice liberalization law kung saan ang pangunahing apektado raw ang mga magsasaka.
Maliban dito, ilan ding mga naging biktima ng supertyphoon Yolanda ang kakalampag kasabay sa SONA ng Pangulo.
Ayon kay Chris Durana ng grupong Kadamay, tatlong taon mula nang maupo ang Pangulong Duterte ay hindi pa rin naibibigay sa mga ito ang mga titulo mula sa mga pabahay na ipinangako sa kanila.
Naka-full alert status naman ang kapulisan ng Tacloban kasabay sa isasagawang kaliwa’t-kanan na kilos protesta.