Nagsasagawa na nang mahigpit na ugnayan ang PNP at National Bureau of Investigation (NBI) sa mga magkakasunod na pagkakadiskubre ng mga iligal na Chinese clinics para sa pasyente na dinapuan ng coronavirus.
Pinakahuling sinalakay ng NBI nitong Lunes ang isang klinika sa isang subdivision sa lungsod ng Parañaque. Apat na mga Chinese ang naabutan at inaresto ng mga otoridad.
Nagpanggap umano bilang pasyente ang isang ahente ng NBI bago salakayin ang tatlong palapag na bahay sa Multinational Village.
Nakita sa bahay ang isang kama, upuan at ilang kahon ng mga gamot.
Sinasabing mga Chinese na nagtatrabaho lamang sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) ang ginagamot sa nasabing pasadyang ospital.
Sinabi ni NBI Task Force Against Illegal Drugs (TFAID) NBI-TFAID head Ross Galicia na walang anumang permit ang nasabing ospital para mag-operate.
Magugunitang ilang mga iligal na klinika na rin ang ni-raid ng mga kapulisan sa Pampanga at Makati City kung saan sinasabing ginagamit ito para sa mga Chinese na nahawa umano ng mga sakit.