CAGAYAN DE ORO CITY -Karapat-dapat lamang umano na magkaroon ng matibay na batas na tumutugis laban sa grupo ng mga terorista na malaking banta para sa pangkalahatan na seguridad ng sambayang Filipino sa bansa.
Ito ang paglilinaw ni Iligan City Lone District Representative Frederick Siao kung bakit buong suporta ang ipinaabot nito sa panukalang batas ng Anti-Terrorism Bill na umani ng sapat na boto ng kapwa niya mambabatas nang matalakay sa Kamara.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Siao na malaking tulong para sa mga taga-Mindanao ang nabanggit na panukalang batas dahil dito nakabase ang ilang grupo ng mga terorista.
Ibinigay na halimbawa ng mambabatas ang nangyari na pag-atake ng teroristang Maute-ISIS sa Marawi City na nagresulta ng maraming buhay ang nasawi dahil tumagal ng limang buwan noong taong 2017.
Dagdag ni Siao na hindi dapat masamain kung mayroong sumalungat o sumang-ayon sa isinulong ni Pangulong Rodrigo Duterte na panukalang batas dahil nasa demokrasya na estado ang Pilipinas.
Magugunitang kabilang rin si Representative Rogelio Roque mula 4th District ng Bukidnon ang bomoto pabor sa panukalang batas habang tutol naman si Congressman Rufus Rodriguez ng 2nd District ng Cagayan de Oro City.