-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Ikinabahala ng isang mambabatas ang posibilidad na tuluyang matigil ang operasyon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) matapos i-utos ni Pangulong Rodrigo ang pagpapatigil ng gaming schemes nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni AKO-Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin Jr. na posibleng pumalit naman ang jueteng sa mga uri ng sugal na lehitimong pinahihintulutan ng gobyerno noon.

Suportado naman daw ng kongresista ang hakbang ng pangulo pero nais din umano nito malaman kung saan na huhugutin ng Department of Finance (DOF) at PCSO ang “make up funds” sa mga programa nito sa social service, edukasyon, sports at iba pa.

Ngayon pa lang, batid na ni Garbin na malulugi ng bahagya ang PCSO mula sa higit P11-bilyong na kontribusyon, financial assistance at subsidy nito noong 2018.

Kung maaalala, iniutos ni Duterte ang pagpapatigil sa mga laro o sugal ng ahensya dahil sa umano’y korupsyon.

Plano ng kongresista na idulog ang panukala ng pangulo sa Kamara, sakali ring magkasundo ang Committee on Games and Amusements na pag-usapan ang issue.

Umapela rin ito sa pulisya para paigtingin ang anti-jueteng operations nang hindi magamit ang pera ng mga kriminal.