CENTRAL MINDANAO – Inako ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-Karialan faction) ang pag-atake sa bayan ng Datu Piang, Maguindanao.
Ito ang kinumpirma ni Abu Jihad, tagapagsalita ng BIFF-Karialang faction.
Ayon kay Jihad, ang pagsalakay ng grupo sa Brgy. Poblacion Datu Piang ay ang pagkondena sa mga masasamang gawain na ginagawa ng karamihang mamamayan sa lugar, Muslim man o Kristiyano, tulad ng pagbebenta at pag-iinom ng alak, pagsusugal, pagbebenta ng ipinagbabawal na droga at iba pang illegal na gawain.
Sinabi rin nito na wala silang intensyong lusubin at atakehin ang simbahan ng Santa Teresita at eskwelahan ng Notre Dame of Dulawan at madamay ang mga sibilyan dahil ipinagbabawal umano ito sa kanilang relihiyon at labag sa utos ni Propeta Mohammad na nakasaad sa Qu’ran.
Nananawagan naman si Jihad sa pamahalaan na paalisin na ang mga kasundaluhan sa kanilang lugar dahil teritoryo raw nila ito at hayaan na silang magpatupad ng sarili nilang pamamaraan ng pagdidisiplina.
Dagdag pa ni Jihad, ayaw din talaga nila ng gulo kung kaya naman ay hiling nito na paalisin na ang mga kasundaluhan sa kanilang teritoryo kung saan sila ipinanganak, pinalaki at mamamatay.
Wala rin umano silang kalayaang makalabas ng kanilang tahanan, makapunta sa sentro ng bayan at kung saan pa nila gustong pumunta dahil sa presensya ng mga sundalo sa Datu Piang.
Samantala, sa usapin naman tungkol sa pagdedeklarang persona-non-grata sa BIFF sa lalawigan ng Maguindanao, sinabi ni Jihad na wala silang ginagawang masama, dinedepensahan lamang umano nila ang kanilang lugar at lagi lamang silang pinagbibintangan.
Gusto lamang daw ng kanilang grupo na itaguyod ang kanilang mga kababayan sa kanilang sariling pamamaraan.
Una nang kinondena ng militar ang naturang pag-atake ng mga terorista.