VIGAN CITY- Inihahanda na ang kasong illegal recruitment at estafa laban sa isang pinaniniwalaang illegal recruiter at nobyo nitong nagkilala lamang sa text sa Ilocos Sur.
Ito ay dahil aabot sa 11 biktima ang nagpasaklolo sa himpilan ng Bantay municipal police station noong isang linggo dahil sa pambibiktima umano ng illegal recruiter na si Fatima Gamad alyas Arian Mendoza at ang nobyo nitong si JM Montero na siyang nagsilbing middleman na napag-alamang nabiktima rin ng illegal recruitment.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, nagkakilala umano si Arian Mendoza at JM Montero noong taong 2015 at nagsimula silang magkamabutihan noong nakita umano ni JM na isang mabuting tao si Arian.
Sa kabila nito, hindi umano sila nagkita sa personal dahil hanggang tawag at text lamang umano sila.
Nang magkamabutihan na ang dalawa, sinabi umano ni Arian na nagtatrabaho ito sa isang recruitment agency at naghahanap ng mga trabahador na ipapadala sa Taiwan.
Nangako umano si Arian na mabilis lamang ang proseso kaya nahikayat si JM at nagbigay ito ng paunang bayad.
Nang mabalitaan ito ng mga kamag-anak ni JM, kaniya-kaniya na ang mga ito na tumawag at nagpatulong kay Arian ngunit kay JM nila ibinibigay ang mga paunang bayad na hinihingi ni Arian.
May 22 umano ang sinabing petsa ni Arian na luwas ng mga biktima papuntang Maynila ngunit hindi natuloy dahil hindi naman pala totoong legal na recruiter si Arian at nalaman nila ito ng mismong magpunta ang ilan sa mga biktima sa lugar kung saan umano makikita ang pamilya nito sa Candon City.
Sa ngayon, inaasikaso na ng mga otoridad ang kaso ng suspek na si Arian o Fatima na ang huling balita nila ay lumipad na ito patungong Oman noong nakaraang linggo para magtrabaho.