CAGAYAN DE ORO CITY – Naaresto ng Crime Against Person and Property Desk (CAPPD) ang isang babaeng nagpapanggap umanong empleyado ng isang recruitment agency para makapambiktima ng mga aplikante sa may Yacapin corner Don A. Velez Streets nitong lungsod.
Dinampot ng mga tauhan ng CAPPD sa pamamagitan ng entrapment operation sa loob ng isang restaurant ang suspek na si Maricel Sulilawan, 34-anyos at residente ng Claveria, Misamis Oriental.
Na-rescue din ng mga otoridad ang limang aplikante para domestic helper patungong Saudi Arabia.
Ayon kay Public Employment Service Office (PESO) Manager Kathleen Kate Sorilla, modus umano ni Sulilawan ang magpakilalang nagtatrabaho sa isang recruitment agency ngunit wala itong mapakitang lisensya at nag-alok pa ng “fly now, pay later” sa mga gustong mag-trabaho sa labas ng bansa.
Napaniwala raw ng suspek ang mga biktima dahil hindi ito nanghingi ng pera at libre ang gastos sa pagkuha nila ng mga requirements.
Inamin naman ng suspek ang kaniyang kasalanan ngunit hindi niya alam na illegal ang kaniyang ginagawa lalo pa’t napag-utosan lang siya at binabayaran ng P5,000 sa bawat ma-recruit na aplikante.
Mahaharap sa kasong illegal recruitment si Sulilawan.