Huli sa isinagawang entrapment operation ng CIDG-Anti Transnational Crime Unit ang isang illegal recruiter ng mga OFW na nais magtrabaho sa South Korea bilang mga factory worker.
Ayon kay CIDG-ATCU chief P/Supt. Roque Merdeguia, nanghihingi ng nasa P70-P150,000 bawat OFW bilang processing fee.
Kinilala ni Merdeguia ang suspek na illegal recruiter na si Flora Guzman.
Ini-enganyo ni Guzman ang kaniyang mga biktima na malaking sahod ang naghihintay sa kanila sa South Korea na aabot sa P100,000 kada buwan.
Sinabi ni Merdeguia, humingi ng tulong sa kanila ang tatlong complainant na naloko ni Guzman.
Alegasyon ng mga biktima, matapos daw nilang bigyan ng malaking halaga si Guzman bilang bayad sa processing, medical at training fee ay hindi pa sila nakaka-alis ng bansa,
Bukod sa paunang bayad na ibinigay ng mga biktima, muli silang hiningan ng P30,000 at ito ay para sa kanilang ticket.
Dito na ikinasa ng ATCU ang entrapment operation sa isang mall sa Alabang, Muntinlupa kung saan nahuli si Guzman.
“Ito namang mga suspek ay hinihikayat pang mag participate sa PDOS yung mga biktima dahil yun na lang daw ang kulang kaya kailangan nilang umattend sa PDOS at magbigay ng additional P10 thousand pesos para sa tiket,” wika ni Merdeguia.
Sinampahan na ng kasong estafa at illegal recruitment ang suspek.
Panawagan naman ng CIDG-ATCU sa mga nais na magtrabaho abroad na i-check sa POEA kung legitimate ang recruiter at recruitment agency na kanilang ina-aplayan para maiwasan na maloko.