-- Advertisements --

Sineguro ng Department of Migrant Workers na pananagutin nila ang mga mahuhuli pang mga illegal recruiters na patuloy sa pambibiktima ng mga Pilipinong nais lamang makakuha ng trabaho abroad.

Nakahanda umano ang naturang kagawaran na habulin ang mga mamo-monitor nilang nag-aalok ng mga trabaho patungo sa ibang bansa na kalimitang nakikita online.

Ito ay kasunod ng kanilang pagsalakay sa mga establisyemento ng isang learning center na sangkot sa illegal na pagpapadala ng mga manggagawa particular sa bansang Japan.

Dahil dito, mariing inihayag ni Secretary Hans Leo Cacdac ng Department of Migrant Workers ang kakaharaping kasong kriminal ng mga mabibistong nagsasagawa ng hindi ligal na operasyon.

‘Napakalakas ng anti-illegal recruitment laws natin, a mere offer is already a criminal offense without a license,’ ani Secretary Hans Lep Cacdac ng Department of Migrant Workers.

Gawain kasi ng naipasarang learning center na pagbayarin muna ng nagkakahalagang 40,000 pesos ang aplikante para sa training fee nito atsaka isusunod na i-rerefer sa isa namang recruitment agency.

Kaya naman, nagkaroon ng paglilinaw hinggil rito si Undersecretary Patrica Yvonne Caunan

‘Klaruhin lang natin yung Japan deployment, wala dapat bayaran yung worker, yun ang napag-usapan at yun ang ko-complyan ng Pilipinas dahil yun ang napag-usapan sa Japan Kahit training,’ pahayag ni Undersecretary Patricia Yvonne Caunan ng Department of Migrant Workers (DMW).

Dagdag pa niya, hindi umano dapat magbayad ang isang aplikante o manggagawa dahil mismong employer na ang nakatakdang mag-asikaso pati sa mga language training na kakailangan nito.

‘So pakiusap po natin sa mga kababayan natin, pag’ kayo po ay meron ng employer at nasa Japanese language training kayo, hindi po kayo dapat ang magbabayad ng kahit piso,’ ani Undersecretary Patricia Yvonne Caunan ng DMW.

Nakatakda namang magpapatuloy pa ang pagmamatyag ng kagawaran sa pagsugpo ng mga manlolokong ilegal na nag-aalok ng trabaho abroad.