-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Patuloy ang negosasyon ng Philippine Embassy sa pamahalaan ng Russia para mabigyan ng visa ang mga household workers sa nasabing bansa.

Aminado si Philippine Ambassador to Russia Carlos King Sorreta na maraming Pilipino sa Russia lalo na ang mga household workers ang walang visa.

Ipinaliwanag niyang ito ay dahil sa nagpapatuloy na talamak na illegal recruitment sa mga Pilipinong nagtutungo sa Russia.

Iginiit ng opisyal na malaking problema ang illegal recruitment dahil naaapektuhan nito ang negosasion at bilateral labor agreement ng embahada sa pamahalaan ng Russia.

Aniya, dahil sa paglabag ng ilang Pinoy ay naaapektuhan ang pagbibigay sana ng amnestiya sa mga kwalipikadong Pinoy workers.

Binanggit pa ni Sorreta na dose-dosenang Pilipino mula Russia ang isinasailalim sa repatriation sa bawat buwan dahil sa illegal recruitment.

Dahil dito, umaapela ang ambassador sa mga nagnanais magtungo sa Russia para mag-ingat ang mga ito laban sa illegal recruitment.