Iniimbestigahan na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang 66 indibidwal na maaaring sangkot sa illegal recruitment ng mga Pilipinong seasonal workers sa South Korea.
Ayon kay DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac, mayroong mga indibidwal ang sinasamantala ang seasonal workers program (SWP) kung saan hina-hire ang mga Pilipino para magtrabaho sa SoKor sa loob ng 2 buwan para mapunan ang kakulangan ng mga farm workers tuwing peak harvest season doon.
Isiniwalat ng DMW official na nakakatanggap sila ng balita na hinihingan umano ng P20,000 hanggang P40,000 ang mga manggagawa bago umalis ng bansa at kung hindi nila ito bayaran, nagpapautang umano ang mga ito.
Ilang Pilipino aniya ang nabiktima ng mga illegal recruiter na sinabihang maaaring sumahod ng P80,000 kada buwan bilang temporary farmhand sa SoKor. Maaring magtrabaho umano ang mga ito sa loob ng 2 hanggang 5 buwan kung saan maaari pang ma-extend ang kontrata ng 3 buwan. Ang one-fourth naman ng kanilang kita ay napupunta sa mga illegal recruiter.
Kaugnay nito, ayon kay Cacdac, inaasahang maghahain ang Department of Justice (DOJ) ng mga kasong illegal recruitment at estafa laban sa mga indibidwal na sangkot sa naturang modus.
Tinitignan na rin ng DMW ang pagkakaroon ng kasunduan sa pagitan ng gobyerno ng PH at SoKor para ma-regulate ang seasonal worker program.