Ibinunyag ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui Jr. na ginagamit na umano ngayon ang pera na nalilikom mula sa illegal trade para pondohan ang mga organized crime groups na nagdudulot ng banta sa seguridad ng mga local at international communities.
Ginawa ng BIR chief ang naturang rebelasyon sa pagtitipon ng nasa mahigit 120 mga dayuhan at lokal na mambabatas, law enforcement officials at business representatives kung saan tinalakay ang mga hakbang para matugunan ang pandaigdigang problema sa illegal trade.
Binigyang diin din ng BIR chief na ang problema sa smuggled goods ay talamak na rin sa digital spaces.
Kaugnay nito, nangako ang commissioner ng pagpapaigting pa ng pagpapatupad ng mga batas at regulasyon laban sa ipinagbabawal na kalakalan ng mga hindi rehistrado at hindi compliant na vapes at heated tobacco products na patuloy na ibinibenta sa online shopping platforms.
Ayon sa local at international law enforcement agencies, ang mga organized crime groups ay mayroong bilyong dolyar na mga negosyo na nago-operate sa maraming crime-prone areas.
Ilan sa mga iligal na gawain na ito ay kabilang ang human trafficking, money laundering, iligal na droga, armed robbery, fraud, extortion at cybercrime.