LAOAG CITY – Inaasahang uuwi na rito sa Pilipinas si Catherine Tagaca Andres, residente ng Brgy. 21 sa bayan ng Sarrat dito sa lalawigan ng Ilocos Norte at Overseas Filipino Worker sa Saudi Arabia matapos siyang maltratuhin ng kanyang lalaking amo.
Ito ay sa tulong na rin ng Bombo Radyo Laoag na naglapit sa lahat ng kinauukulang indibidwal at ahensya ng gobyerno sa sinapit ng OFW sa kamay ng kanyang amo.
Ayon kay Mr. Lawrence Valmonte, Overseas Filipino Worker Adviser sa nasabing bansa, sa ngayon ay nasa Philippine Embassy na si Catherine kung saan nabigyan na siya ng exit visa ngunit hinihintay pa niya ang kanyang ticket na ibibigay ng Khalid Saad Khzam Alhawmizi Recruitment Agency para makauwi na dito sa bansa.
Sabi niya na personal na nakausap ni Labor Attache Hon. Roel Martin ng Migrant Workers Office sa Jeddah, Kingdom of Saudi Arabia si Catherine kung saan napagkasunduan nina Catherine at ang kanyang Recruitment Agency na babayaran na lamang ng kanyang ahensya ang naiwan niyang kagamitan sa kanyang pinagtatrabahuan at ang Recruitment Agency na rin ang sasagot kung may mga suweldo si Catherine na hindi niya natanggap mula sa kanyang amo.
Ipinaliwanag niya na ayon kay Labor Attache Hon. Martin ay “totally ban” o hindi na papayagan ang amo ni Catherine na kumuha pa ng ibang kasambahay.
Dagdag pa niya, makakatanggap si Catherine ng P20,000 bilang tulong pinansyal para sa Balik Pinas, Balik Hanapbuhay livelihood assistance mula sa Overseas Workers Welfare Administration.