Ikinabigla umano ni Ilocos Norte Governor Matthew Marcos Manotoc ang pagkakabanggit sa pangalan ng kaniyang ina sa mga pag-atake ni Vice President Sara Duterte kamakailan at pamangkin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Si Manotoc ay anak ni Senator Imee Romualdez Marcos.
Sa isang pahayag, sinabi ni Gov. Manotoc na nalungkot siyang marinig ang pangalan ni Sen. Imee sa naging pag-atake ni Duterte gayong ang Senadora ay isang matalik na kaibigan at supporter ng pangalawang pangulo sa loob na ng mahabang panahon.
Ayon pa kay Manotoc, sa ilang beses umano niyang pakikipag-usap kay VP Sara ay laging palakaibigan at propesyunal siya.
Nakakalungkot aniyang nagiging personal na ang atake ng pangalawang pangulo.
Sa kabila nito, umaasa pa rin umano ang Gobernador na makakahanap si VP Sara ng kapayapaan at hiling ang kabutihan para sa pangalawang pangulo.
Sa naging press conference ni VP Sara nitong nakalipas na linggo, sinabi niyang dati umano niyang binalaan si Marcos na huhukayin niya ang mga labi ni dating Pangulong Marcos Sr. upang itapon sa West Philippine Sea.
Sa kasalukuyan, wala pang tugon ang mga miyembro ng pamilya Marcos sa mga pag-atake ni VP Sara at tanging si Gov. Manotoc pa lamang ang naglalabas ng kaniyang reaksyon.