-- Advertisements --

LAOAG CITY – Ipinaliwanag ni Ilocos Norte 1st District Representative at Presidential Son Sandro Marcos kung bakit siya ang unang pumirma sa pag-impeach kay Vice President Sara Duterte.

Ayon sa kanya, ang pangunahing dahilan kung bakit pinamunuan niya ang pagpirma ng kabuuang 215 na kongresista na bumoto para sa impeachment ay dahil sa anunsyo noon ng Bise Presidente na huhukayin niya ang katawan ng kanyang lolo na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na nasa libingan ng mga bayani at itatapon umano ito sa West Philippine Sea.

Bukod dito, sinabi niya na ang isa sa mga kadahilanan na nagtulak sa kanya upang magpirma para sa impeachment ay dahil sa banta ni Vice President Sara na papatayin umano ang kanyang mga magulang na sina Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos kasama si House Speaker Martin Romualdez.

Binanggit niya na hindi niya hinikayat ang kanyang mga kapwa mambabatas na pumirma upang ma-impeach ang Bise Presidente.

Idinagdag niya na walang katotohanan na mabigbigyan ng pera ang mga kongresista na pumirma para sa impeachment laban sa pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.