LAOAG CITY – Suwerteng hindi tinamaan si Sangguniang Bayan Member Jovencio Pascua sa bayan ng Solsona, Ilocos Norte matapos pinagbabaril ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa bahagi ng Barangay Manalpac sa nasabing bayan.
Ayon kay S/Insp. Chris Anthony Sorsano, hepe ng Solsona Municipal Police Station, kahit ilang beses nagpaputok ang mga suspek ay hindi natamaan ang opisyal at ang kanyang driver.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, pauwi na sana ang konsehal nang nakasalubong nila ang mga suspek at nang pinagbabaril na umano sila ay iniatras ng driver ang sasakyan at bumangga sa pader ng isang bahay.
Dahil dito, dumeretso na lamang umano ang mga suspek at linagpasan ang mga biktima dahil nahulog ang mga bala sa kalsada.
Nabatid na ang ginamit na baril ay linilagay sa isang sako.
Narekober ng mga otoridad sa pinangyarihan ng pamamaril ang siyam na slug ng M16 na baril.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad kung ano ang motibo ng krimen ang kung sino ang responsable sa pangyayari.