LAOAG CITY – Ipinaalam ni P/Capt. Cheryll Cacayorin, Assistant Unit Chief Police Community Affairs and Development Unit ng Ilocos Norte Police Provincial Office na naging generally peaceful ang Ilocos Norte sa paggunita ng Semana Santa kahit may ilang aksidente at pagkalunod ang naitala sa lalawigan.
Ayon sa kanya, kabilang dito ang pagkamatay ng isang menor de edad na lalaki matapos itong malunod sa ilog sa Barangay Lacuben sa bayan ng Badoc.
Ang biktima ay 11 anyos at residente ng Barangay Alay sa nasabing bayan.
Sa imbestigasyon, nagtungo ang biktima kasama ang kanyang pamilya sa nasabing ilog para mag-picnic noong Biyernes Santo.
Gayunpaman, habang naliligo ang biktima kasama ang isa pang menor de edad ay napunta ang mga ito sa malalim na bahagi ng ilog na naging dahilan ng pagkalunod nito.
Sinubukan pang itakbo sa Sto. Cristo Hospital sa Sinait, Ilocos Sur ang biktima pero idineklarang dead on arrival.
Maliban dito, nagbanggaan din ang isang SUV at ambulansiya sa Barangay Sta. Cruz Sur sa bayan ng Badoc.
Sa nakalap na impormasyon, parehong patungong hilaga ang dalawang sasakyan nang aksidenteng mabangga ng ambulansiya na may nakasakay na pasyente ang likurang bahagi ng SUV.
Samantala, ayon sa datos ng Ilocos Norte Police Provincial Office na maysa isang residential fire incident na nangyari sa bayan ng Paoay habang isang grass fire naman dito sa lungsod ng Laoag.