LAOAG CITY – Inilagay na sa state of calamity ang buong lalawigan ng Ilocos Norte dahil sa malawakang epekto ng Bagyong “Ineng.”
Sa isinagawang special session nitong Sabado ng hapon, pinaburan ang hiling na isailalim sa state of calamity ang probinsya dahil sa laki at lawak ng pinsalang dulot ng bagyo.
Batay sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), aabot na sa P168-milyon ang inisyal na pinsala ng bagyo sa lalawigan.
Sa sektor ng agrikultura lamang, aabot na sa P10-milyon ang pinsala kung saan P7-milyon sa sakahan, P2-milyon sa fisheries at P200,000 sa livestock.
Sinabi na ng PDRRMO na 1,776 na pamilya o 8,250 na indibidwal ang apektado ng bagyo kung saan siyam na bayan sa lalawigan ang pinakamalalang naapektuhan.
Nitong Sabado ng tanghali lamang ay tinulungan na pa mga rescuers ang isang pamilya na nagpapasaklolo dahil sa inabot na ng tubig-baha ang kabaong ng pumanaw nilang kamag-anak.
Marami ring mga hayop ang naanod tulad ng baka, kalabaw at baboy dahil sa malakas na agos ng tubig.
Una nang nagdeklara ng lungsod ng Laoag at bayan ng Vintar ng state of calamity.
Samantala, siniguro naman ng pamahalaan ng Ilocos Norte na sapat ang relief goods para sa mga apektadong residente.