-- Advertisements --

LAOAG CITY – Inaprubahan na ng Sangguniang Panlalawigan ang resolusyon para sa pagdedeklara ng State of Calamity sa buong lalawigan ng Ilocos Norte dahil sa hagupit ng Super Typhoon Carina.

Ayon kay Sangguniang Panlalawigan Member Franklin Respicio, ipinasa ang resolusyon sa ikalawa at pinal na pagbasa upang ganap na mailabas ang calamity fund at matulungan ang mga lubhang naapektuhan ng bagyo.

Aniya, umabot na sa mahigit P1 bilyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura at imprastraktura at iba pang sektor.

Kaugnay nito, sinabi ni Engr. Randy Nicolas, kinatawan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, na nasa P700 milyon ang halaga ng pinsala sa sektor ng imprastraktura, humigit-kumulang P15 milyon sa agrikultura habang mahigit P300 milyon ang naitala ng Department of Public Works and Highways 1st and 2nd District Engineering Office, Provincial Engineering Office at National Irrigation Administration.

Ipinaliwanag niya na 3,288 pamilya na binubuo ng 10,852 indibidwal ang naapektuhan ng pananalasa ng Super Typhoon Carina.

Dagdag pa niya, 23 bahay ang bahagyang nasira at dalawang landslide ang naitala.