LAOAG CITY – Ipinaalam ni Mr. Marcell Tabije, pinuno ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office dito sa lalawigan ng Ilocos Norte na umabot na sa P74 milyon ang pinsala sa sektor ng imprastraktura habang P1 milyon naman ang pinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa pananalasa ng Super Typhoon Carina.
Aniya, may kabuuang 93 barangay sa lalawigan ang lubhang naapektuhan ng bagyo kung saan 1,654 pamilya o 5,355 indibidwal ang naapektuhan.
Sabi niya, 42 evacuees pa rin ang nananatili sa iba’t ibang evacuation centers sa lalawigan habang ang mga ibang residente ay nakauwi na sa kanilang tahanan matapos humupa na ang tubig sa kanilang mga lugar.
Paliwanag niya, naipamahagi na ang mga relief packs sa mga biktima ng bagyo sa bayan ng Pasuquin, San Nicolas, Paoay at sa lungsod ng Batac.
Kaugnay nito, isang bahay dito sa lungsod ng Laoag ang naitalang partially damaged matapos matabunan ng pagguho ng lupa.
Sa ngayon, nakararanas ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan ang buong lalawigan.