-- Advertisements --

LAOAG CITY – Naniniwala si Ilocos Norte Vice Governor Cecilia Araneta Marcos na dapat lamang na naihain ang impeachment complaint o matanggal sa pwesto si Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen.

Ito ang naging reaksyon ng bise gobernador matapos maghain ng impeachment complaint si Edwin Cordevilla, ang Secretary General ng Filipino League of Advocates For Good Government (FLAGG) laban kay Leonen dahil sa “culpable violation of the Constitution” at “betrayal of public trust.”

Sinabi ni bise gobernador Marcos na hindi masyado nagagampanan ni Leonen ang kanyang trabaho bilang associate justice lalo na sa naging electoral protest ng dating Senador Bongbong Marcos na siyang nadimiss kamakailan.

Dagdag niya na hindi pa nakapagpila si Leonen ng kanyang Statement of Assets and Liabilities (SALN) sa loob ng 15 taon mula sa 22 taon niya sa University of the Philippines kaya marapat lamang na maihain ang nasabing reklamo.

Naniniwala ito na marahil ito na ang kapalit ng hindi maayos na pagseserbisyo ni Leonen bilang Associate Justice ng Korte Suprema.

Dagdag niya, na hindi malayong magkaroon ng impeachment complaint kontra kay Leonen dahil ganun din ang naging kaso ni dating Chief Justice Renato Corona na hindi rin nakapagsumite ng SALN.

Una rito, si Ilocos Norte 2nd District Rep. Angelo Marcos Barba ang nag-endorso ng impeachment complaint, pinsan ni Senador Imee Marcos at dating Senador Bongbong Marcos.

Kaugnay nito, nalaman na ang isinampang reklamo ni Cordivella kontra key Leonen, ay tungkol din sa hindi nito na-dispose o naresolba ang 37 kaso sa korte suprema sa loob ng 24 na buwan magmula ng maisumite ang mga ito kasama na ang matagal na pagresolba nito na 21 election protests at 13 quo warranto cases, na pending sa House of Representatives Electoral Tribunal kung saan siya ang chairperson.