-- Advertisements --

VIGAN CITY – Humingi ng paumanhin si Ilocos Sur Governor Ryan Singson sa mismong ama nitong si League of Municipalities of the Philippines President- Narvacan Mayor Luis “Chavit” Singson matapos ang patutsadahan nila sa radyo hinggil sa di umano’y utang ng provincial government na hinahabol ng Commission on Audit.

Sa mismong programa ni Gov. Singson sa Bombo Radyo Vigan, sinabi nito na hindi niya intensyong saktan ang damdamin ng kaniyang ama sa mga ipinalabas nitong statement.

Inamin nitong nadala lamang siya ng kaniyang emosyon kung kaya’t nakapagsabi ito ng mga salita at mga paratang kung saan nasaktan nito ang kaniyang ama na hindi naman niya intensyong mangyari.

Binigyang-diin nito na kahit pa mayroong tila “cold war” sa pagitan nila ng kaniyang ama, kahit kailan ay hindi nawala ang kaniyang respeto para rito.

Kung maaalala, nag-ugat ang tila “cold war” sa pagitan ng mag-amang Singson noong nakaraang 2016 elections matapos na suportahan ni Governor Ryan ang kaniyang father-in-law na si Ilocos Sur 1st District Congressman DV Savellano laban sa kaniyang sariling kapatid na si Ronald Singson na siya naming sinuportahan ni Mayor Chavit Singson.