-- Advertisements --

VIGAN CITY – Normal na ang operasyon sa local government unit ng Cabugao, Ilocos Sur matapos na makabalik ang kanilang alkalde na halos 40 araw na nagtago sa mga otoridad dahil sa kasong serious illegal detention na kinakaharap nito.

Nag-ugat ang kaso ni Mayor Josh Eduard Cobangbang na serious illegal detention at grave coercion dahil sa iligal umanong pagpapasara nito sa Cabugao Beach Resort na pinangangasiwaan ni Virgina Savellano-Ong.

Napawalang-bisa ang warrant of arrest ni Cobangbang, kasama na ang 19 na kasamahan nito na mga opisyal ng Sangguniang Bayan, empleyado ng LGU at ilang opisyal ng barangay dahil sa napatunayang walang hurisdiksyon sa nasabing kaso si Judge Raphiel Alzate ng Regional Trial Court, Branch 24 ng bayan ng Cabugao, na nagpalabas ng arrest warrant laban sa mga akusado.

Nagpalabas si Alzate ng warrant of arrest laban sa alkalde at sa mga kasamahan nito noong February 18, ngunit ang nasabing presiding judge ay sinuspinde ni Supreme Court Chief Justice Lucas Bersamin ng 90 araw dahil sa mga kasong administratibo na kinakaharap nito noong February 12.

Dahil dito, maliwanag na wala umanong hurisdiksyon ang nasabing judge sa pagpapalabas ng warrant of arrest dahil kasalukuyang itong suspendido sa trabaho.