Kasabay ng selebrasyon ng ika-40 taong kaarawan ni Ilocos Sur Governor Ryan Singson, kinumpirma nito na isang frontliner mula sa bayan ng Sta. Cruz ang ikalawang COVID-19 patient sa Ilocos Sur.
Ito ay matapos ang dalawang buwan na pagiging COVID-19 free ng lalawigan mula nang maitala ang unang kaso ng nasabing sakit noong buwan ng Abril.
Sa ipinatawag na press briefing ni Singson sa provincial capitol, sinabi nito na isang babaeng nurse, 33-anyos at nagtatrabaho bilang assistant ng isang EENT doctor sa isang pribadong ospital sa Candon City, Ilocos Sur ang ikalawang COVID-19 patient sa lalawigan.
Ayon sa gobernador, asymptomatic umano ang nasabing pasyente at nakumpirma lamang na positibo ito sa COVID-19 nang dumaan sa swab test bago sumailalim sa operasyon dahil sa sakit nitong pancreatic edinoma matapos sumakit ang tiyan nito at ma-confine sa ospital.
Sa ngayon, naka-isolate na sa Ilocos Training and Regional Medical Center ang nasabing pasyente kasama ang kaniyang asawa kasabay ng pagsasagawa ng contact tracing ng lalawigan.