-- Advertisements --

VIGAN CITY – Posible umanong hilingin ng provincial government ng Ilocos Sur sa Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases na maibalik o maisailalim muli sa enhanced community quarantine (ECQ) ang lalawigan pagkatapos maisalalim ng Ilocos Sur sa general community quarantine (GCQ) simula kahapon, May 1.

Ito ay matapos makita kahapon ang tila pag-abuso ng mga residente sa GCQ dahil sa pagdagsa nila sa iba’t ibang pamilihan at palengke kung saan tila hindi na nasusunod yung social distancing para maiwasan ang Coronavirus disease 2019 (COVID- 19).

Ayon kay Governor Ryan Singson, tapos na umano nila ang draft ng request letter para sa nasabing bagay dahil marami silang mga natanggap na reklamo ng ilang concerned citizens na takot na magkaroon ng second wave ng nasabing pandemic sa Ilocos Sur.

Kung sakali man umanong ma-monitor ng provincial government na inaabuso at nilalabag ng mga residente ang pagsasailalim sa lalawigan ng GCQ, hindi mag-aatubili ang gobernador na pirmahan ang nasabing request letter at ipasa ito sa IATF.