-- Advertisements --

ILOILO CITY – Epektibo na ngayong araw ng Biyernes ang pagsasailalim sa Iloilo City at Iloilo province sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Ito ay matapos ang naunang anunsyo nitong nakalipas na araw ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na pagpalalawig ng Modified Enchanced Community Quarantine (MECQ) hanggang Hulyo 22.

Ngunit nitong hapon ng Biyernes sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo, binawi naman ni Roque ang kanyang naunang pahayag at nilinaw na mas hihigpitan pa ang quarantine classification sa lungsod at lalawigan ng Iloilo sa pamamagitan ng pagsailalim sa Enhanced Community Quarantine.

Kasabay sa naturang anunsiyo ay maging ang Cagayan de Oro City ay isinailalim din sa ECQ.

Napag-alaman na ang ECQ ay siyang pinakamataas o pinakamahigpit na quarantine classification.

Ayon kay Roque, ang nasabing hakbang ay precautionary measure upang huwag kumalat ang Delta varinant ng COVID-19 na natukoy ng Department of Health sa Antique.

Ang Iloilo at Antique ay bahagi ng Panay kung saan by land lang ang byahe.

Nilinaw ng kalihim na ang pagsailalim sa Iloilo sa ECQ ay ang naisip na hakbang ng Inter Agency Task Force for the Emerging Infectious Diseases upang hindi na kumalat pa sa Western Visayas ang bagong Delta variant.

Magtatagal ang ECQ sa Iloilo City at Iloilo province hanggang Hulyo 22.

Samantala, nag-panic buying naman ang ilang mga residente sa Iloilo kasunod ng agarang pagsailalim sa lungsod sa ECQ.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas, sinabi nito na wala siyang magagawa kundi sundin ang utos ng IATF.

Ayon sa alkalde, nagkakagulo na ang mga residente ng lungsod kung saan nagkumpulan ang mga ito sa mga grocery stores.

Napag-alaman na una nang umalma si Treñas na hindi kaya ng local government unit (LGU) na pakainin ang 2 milyong residente ng lalawigan at 500,00 na mga residente ng lungsod.

Nanawagan naman ang alkalde sa mga residente nang pag-unawa.

Ang malaking palaisipan ayon sa alkalde kung bakit sa Iloilo ipinatupad ang ECQ gayong nasa Antique natukoy ang bagong Delta variant.

Isa rin sa maapektuhan ay ang halos 85,000 na mga residente ng lungsod na nakatakdang bakunahan ng COVID-19 vaccine.

Samantala umalma naman si Antique Governor Rhodora Cadiao sa pagpapatupad ng ECQ sa Iloilo kahit na hindi nakapunta ang mga residente nito sa lungsod na nagpositibo sa Delta variant.

Ang mga nagpositibo sa Delta variant anya ay mag-asawa at naitala noong buwan pa ng Mayo kung saan namatay ang misis at nakarekober naman ang mister.

Panawagan ng gobernador, hindi na dapat anya isailalim sa ECQ ang Iloilo City.

Samantala, tiniyak naman ni Land Transporation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 6 Director Richard Osmeña na papayagan nila ang mga pampublikong sasakyan upang magamit ng mga residente na magpapabakuna.

Sa bahagi naman ng Simbahang Katolika, hindi muna papayagan ang mass gathering.

Ayon kay Father Angelo Colada, director ng Social Communications ng Archdiocese of Jaro, sinabi nito na pansamantala munang ititigil ang malaking event sa simbahan.