-- Advertisements --

ILOILO CITY-Nagpahayag ng kahandaan ang Iloilo City Government na maghost ng ikalawang edisyon ng Miss Universe Philippines sa darating na Setyembre.

Ito’y kasunod ng natanggap na proposal ng lungsod mula sa organizers na gagawing venue ng prestihiyosong pageant ang Iloilo City.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas, sinabi nito na malaking boost ito sa turismo ng lungsod lalo na at residente ng Iloilo City ang reigning Miss Universe Philippines 2020 na si Rabiya Mateo.

Ayon kay Treñas, nakipag-usap na rin ito kay Iloilo Governor Arthur Defensor Jr. at positibo rin ang reaksyon ng gobernador.

Sinabi pa ng alkalde na suportado nito ang mga aktibidad na magpapakita ng talento ng mga Ilonggo at magbubukas ng oportunidad para sa negosyo at turismo.

Nilinaw naman ng alkalde na may kondisyon ang paghost ng lungsod kung saan hindi gagastos ang lungsod maliban lang sa pagprovide ng sasakyan at destinasyon para sa mga aktibidad sa pageant.