-- Advertisements --

ILOILO CITY – Sinimulan na ng Iloilo City Government ang advertising campaign upang ipakita sa Department of Tourism (DOT) ang mayaman na kultura sa lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas, sinabi nito na naglunsad na sila ng teaser kung saan inilabas rin ang bagong tagline ng lungsod na “My heart beats in Iloilo City”.

Ayon kay Treñas, magpapakita sila ng campaign video kung saan masisilayan ang mga magagandang tanawin, architecture at landscapes sa lungsod na bahagi na ng kasaysayan.

Maliban dito, ipapakita rin sa video ang mga masasarap na pagkain sa lungsod kagaya ng sikat na La Paz batchoy at Pancit Molo.

Nilinaw naman ng alkalde na hindi sila gagamit ng non original stock footage sa audiovisual presentation nito sa bagong promotional video kagaya ng ginawa ng advertising company na DDB Philippines na nasa likod ng inilabas na campaign video sa turismo ng bansa na “Love The Philippines.”

Nagpasaring rin ang alkalde sa ahensya na sa pag-promote ng bansa, hindi kailangang kumuha ng eksenang sa ibang bansa kagaya ng rice terraces sa Bali, Indonesia; isang mangingisdang naghahagis ng lambat sa Thailand; isang pampasaherong eroplano sa Zurich, Switzerland; tumatalon na mga dolphin; at isang taong nagmamaneho ng sasakyan sa mga buhangin sa Dubai, United Arab Emirates.