ILOILO CITY – Nagbigay ng 48 oras o hanggang Enero 27 na palugit ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa Iloilo City Government upang mapababa ang hospital utilization rate.
Ayon sa patakaran ng Inter-Agency Task Force (IATF), posibleng isailalim sa Alert level 4 ang Iloilo City kung patuloy ang pagtaas o madagdagan ang COVID-19 cases at ang total bed utilization rate at ang intensive care unit utilization rate ay nasa high utilization.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay DILG Undersecretary Epimaco Densing III, sinabi nito na umaabot na sa 1,240% na 2-week growth rate ang Iloilo City na lampas sa 200% pababa na siyang basehan sa moderate to low risk.
Umaabot naman anya sa 68 cases every 100,000 population ang average daily attack rate ng Iloilo City na lampas sa 7 cases every 100,000 population.
Ang health care utilization naman sa lungsod ay umaabot sa 74% na lampas na sa 69% na moderate to low risk level.