ILOILO CITY – Hindi tinaggap ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas ang paliwanag ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque sa ginawang paninisi sa kanya at sa mga Ilonggo sa COVID-19 surge sa lungsod.
Matandaan na humingi ng tulong si Treñas sa Malacañang na dagdagan ang mga bakuna kasunod ng paglobo ng COVID-19 cases sa lungsod.
Ngunit pinasaringan ni Roque ang alkalde at sisini sa COVID-19 surge na sa huli ay binawi rin nito at nilinaw na naglalambing lang siya kay Treñas.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Treñas, sinabi nito na hindi niya nagustuhan ang sinabi ng tagapagsalita ng pangulo na sa halip na tumulong ay nanisi pa ito.
Napag-alaman na nakatakdang dumating sa Iloilo City si Roque kung saan magdadala ito ng 50,000 doses ng COVID-19 vaccine, bilang tugon sa panawagan ng alkalde.