-- Advertisements --

ILOILO CITY – “Satisfactory” ang nakuhang rating ng lungsod ng Iloilo matapos ang isinagawang validation at evaluation sa clearing operation accomplishment.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Maredith Madayag, Department of Interior and Local Government Officer ng Bacolod City, sinabi nito na base sa kanilang validation sa clearing operation sa lungsod, 70% hanggang 80% ang grado na kanyang ibibigay.

Ayon kay Madayag, hindi matuturing na 100% ang clearing operations dahil maraming obstructions pa rin ang nakita sa mga barangay.

Halimbawa ayon kay Madayag ay ang mga water front barangay at ang Rizal Pala-Pala Zone 1 at Zone 2 sa City Proper, Brgy. Balabago, Brgy. Cubay, Brgy. Benedicto at Brgy. Tabuc Suba sa Jaro kung saan maraming sidewalk vendors, karinderya at mga basura na nasa gilid ng daan.

Ani Madayag, pagkatapos ng two-day validation at evaluation, inaasahan na magsasagawa ng cross checking si DILG 6 Regional Director Ariel Iglesia kasama ang kinatawan ng central office ng Department of Interior and Local Government.

Aniya, ang kanilang report ay ipapasa sa alkalde at sa DILG regional office na siyang magsusumite nito sa central office.