-- Advertisements --

ILOILO CITY – Patuloy pa na inaalam ng Iloilo City Government kung saan nahawa ang index case ng Omicron variant sa lungsod kahit na nagnegatibo na ito sa dalawang RT-PCR test.

Ito ay ang 46 anyos na Seafarer mula sa bansang Kenya, residente ng Sooc Arevalo, Iloilo City at hindi bakunado.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Dr. Marigold Calsas, head ng Iloilo City Epidemiology and Surveillance Unit, sinabi nito na posibleng nahawa ito sa Cebu o sa eroplano na kanyang sinakyan pauwi sa lungsod.

Ayon kay Calsas, dahil hindi bakunado ang Seafarer, madali itong nahawa ng virus.

Napag-alaman na nagnegatibo sa RT-PCR test noong Disyembre 15 ang Seafarer pag-alis nito sa Kenya at kaagad na lumipad papuntang Cebu noong Disyembre 16 at nag-quarantine sa hotel.

Disyembre 19, muling nag-negatibo ang kanyang RT-PCR test at Disyembre 24, umuwi ito sa Iloilo City.

Disyembre 27, nagpa-swab at nagpositibo sa RT-PCR Test ang seafarer at nakita na mababa ang kanyang cycle threshold value kaya’t idinaan ito sa genome sequencing.

Enero 4 nang lumabas ang resulta ng genome sequencing at napag-alaman na nagpositibo sa Omicron ang seafarer.

Sa ngayon, nananatili sa Quarantine Isolation Facility ang seafarer at asymptomatic.