ILOILO CITY – Pinakakansela na ng Iloilo City ang lahat ng mga international flights sa mga bansa na nagpositibo sa 2019 novel coronavirus.
Ito ay kasunod ng pagkumpirma ng Department of Health (DOH) ng dalawang kaso ng novel coronavirus sa bansa at lumulubong numero ng mga persons under investigation.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Mayor Jerry Treñas, sinabi nito na sumulat na siya sa tatlong airline companies na boluntaryo na isuspinde ang kani-kanilang mga biyahe upang maiwasan ang pagkalat ng virus lalo na sa lungsod ng Iloilo.
Ang mga airline companies ay ang Philippine Airlines, Philippine Air Asia, at Cebu Pacific Air.
Ayon kay Treñas, kung magpapatuloy ang mga international flights, posibleng ang mga turista mula sa Kalibo International Airport at Iloilo International Airport ay pupunta sa Iloilo.
Napag-alaman na nauna nang kinumpirma ng Cebu Pacific Air ang complete stoppage ng kanilang Iloilo-Hongkong flights mula sa Pebrero 4 hanggang Marso 29.