-- Advertisements --

ILOILO CITY – Ipinapasuspinde ng 90 araw ng Sandiganbayan ang alkalde at mga opisyal ng Calinog, Iloilo dahil sa kinasasangkutang million-peso fertilizer fund scam kung saan nilabag umano ng mga ito ang Section 13 ng Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Mayor Alex Centena, sinabi nito na kanyang ikinagulat ang nasabing suspension order dahil ayon sa kanya, may desisyon na noon ang Court of Appeals na simpleng misconduct lang ang kanilang nagawang kasalanan at hindi kurapsyon kung saan pinatawan sila noon ng anim na buwang suspensyon.

Ang nasabing kaso ay nag-ugat sa P728-milyong inilabas ng Department of Agriculture (DA) para sa pagbili ng farm inputs noong 2004 sa ilalim ng administrasyon ni dating presidente at ngayo’y House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.

Pinaninindigan ni Mayor Centena na sinunod lamang nila ang pinapagawa ng DA at hindi sila nagnakaw.

Aniya, hindi sila aatras sa kaso na kanilang kinasasangkutan.

Naniniwala naman ang alkalde na personal ang motibo ng mga taong nasa likod ng nasabing kaso na ayon sa kanya ay mga kalaban niya sa pulitika.