ILOILO CITY – Naka-hospital arrest ngayon si Janiuay Iloilo Mayor-elect Frankie Locsin.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay National Bureau of Investigation Region 6 Director Atty. Jorge Jularbal, sinabi nito na nang kukuha sana ng NBI clearance si Locsin, lumabas sa kanilang records na hinatulan ito ng Sandiganbayan First Division na guilty sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ang nasabing desisyon ay nag-ugat sa pagbili ng gamot ng Local Government Unit (LGU) ng Janiuay, Iloilo na nagkakahalaga ng P15-milyon noong si Locsin pa ang umuupong alkalde ng nasabing bayan.
Ayon kay Jularbal, kinunan na nila ng mugshots ang alkalde.
Ngunit nang sinabihan na dadalhin na ito sa Sandiganbayan, bigla na lang sumakit ang kanyang dibdib at nagpa-hospital arrest.
Maliban kay Locsin, na-convict rin sa nasabing kaso sina municipal accountant Carlos Moreno Jr., budget officer Ramon Tirador, treasurer Luzviminda Figueroa, Ricardo Minurtio, at Rodrigo Villanueva.
Sang-ayon sa ibinabang hatol ng anti-graft court, makukulong si Locsin at mga opisyal ng bayan ng Janiuay ng anim hanggang 10 taon kasama na rito ang panghabambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak sa alinmang posisyon sa pamahalaan.