Naghain ng guilty plea sa Sandiganbayan ang alkalde ng Calinog, Iloilo at iba pang kapwa akusado sa kaso ng maanomalyang pagbili ng liquid fertilizer na nagkakahalaga ng halos P1-milyon.
Batay sa desisyon ng 7th Division na may petsang April 11, sinabi ng anti-graft court na inamin ng mga akusado sa korte ang paratang kapalit ng mas mababang parusa.
Nag-ugat ang kaso ni Mayor Alex Centena at ng walong iba pa nang mabatid ng Office of the Ombudsman na binili ng lokal na pamahalaan higit 600 bote ng Bio Nature Liquid Fertilizers nang hindi dumadaan sa public bidding.
“Accused Centena, Sobretodo, Celeste, Casipe, Hilario, Panizales, Enriquez and Caspillo understood the same and persisted in their change of plea. The Court has satisfied itself that the accused has fully understood the nature and consequence of their change of plea. Let a plea of guilty be re-entered into the record of the case,” ayon kay Division chairperson Assoc. Justice Ma. Theresa Dolores Gomez-Estoesta.
Sa bisa ng approval ni Ombudsman Samuel Martires sa plea bargaining agreement ng mga akusado, nakapaghain ang mga ito ng plea for the lesser offense of failure of accountable officer to render accounts.
Bukod kay Centena, nahaharap din sa parehong graft case ang municipal officers na sina Valentin Sobretodo, Meriam Celeste, Crispino Castro, Jose Rex Casipe, Melanie Hilario, Rhoda Lyn Panizales, Jose Edeso Enriquez, at Anna Lerio Caspillo.
Inirekomenda ng anti-graft court na magbayad ng tig-P5,000 piyansa ang mga opisyal bilang tugon sa kaso.