-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Muling nabawi ng Iloilo ang overall title sa katatapos na 2023 Western Visayas Regional Athletic Association (WVRAA) Meet sa Aklan Sports Complex sa Calangcang, Makato, Aklan.

Sa awarding ceremony, itinanghal ang lalawigan ng Iloilo bilang over-all champion ng WVRAA meet matapos makakuha ng 212-gold, 139-silver at 92 bronze medals sa elementary, secondary at para games.

Nasa ikalawang puwesto ang Negros Occidental na nagkampeon noong WVRAA 2019 ay may 166-gold, 165-silver at 118-bronze medals habang ang host province na Aklan ay nasa ikatlong puwesto na may 35-gold, 62-silver at 108-bronze medals.

Nasa ikaapat naman na puwesto ang Capiz (15-gold, 35-silver, 88-bronze; kasunod ang Antique (12-gold, 21-silver, 42-bronze) at Guimaras (9-gold, 15-silver, 40-bronze).

Ang special awards ay napunta sa Capiz para sa Most Disciplined Delegation habang ang Guimaras ang Best in Uniform, Best in Saludo at Most Festive Delegation.

Ang apat na araw na WVRAA meet ay nilahukan ng mga atleta mula sa 6 na lalawigan na sumabak sa basketball, volleyball, football, baseball, badminton, softball, tennis, sepak takraw, chess, track and field, boxing, swimming, archery, gymnastics at iba pa.

Sa kanyang mensahe sa closing ceremony, sinabi ni Department of Education Regional Director Dr. Ramir Uytico, ang WVRAA 2023 ang maituturing na pinakamapayapa at matagumpay sa mga isinagawang regional sports meet sa kabila ng ilang taong pagkakatigil bunsod ng COVID-19 pandemic.

Umaasa siyang babaunin ng mga atleta ang mga natutunan sa katatapos na WVRAA 2023 sa pagsabak ng rehiyon sa Palarong Pambansa na gaganapin ngayong taon sa Marikina City sa Hulyo 29 hanggang Agosto 5.

Pinasalamatan rin nito ang lokal na gobyerno ng Aklan sa mainit na pagtanggap sa mga atleta, coaches, chaperone at iba pa.