-- Advertisements --

ILOILO CITY – Gustong tulungan ng aktres na si Heart Evangelista ang viral painter sa Iloilo na naging trending sa social media dahil sa pagbebenta nito ng kanyang mga obra sa gilid ng kalsada sa Jaro, Iloilo City.

Isang netizen ang nanawagan ng suporta para kay Larry Casinao na isang local artist.

Kaagad naman itong napansin ng aktres at pinapahanap ang nasabing pintor.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo sa pintor na si Casinao, sinabi nito na ang kanyang pagpupursige sa paggawa ng paintings ay upang matustusan ang dialysis ng kanyang asawang may sakit.

Ayon kay Casinao, dalawang beses sa isang linggo ang dialysis ng kanyang asawa kung kaya’t hindi sapat ang kanyang kita sa pagbebenta ng kanyang paintings.

Kung minsan ayon sa pintor, walang bumibili ng kanyang obra.

Aminado si Casinao na habang nakapanayam ng Bombo Radyo, hindi nito masagot ang mga katanungan dahil sa lubos nitong pinoproblema kung saan ito kukuha ng pangtustos sa kanyang may sakit na asawa.