Iloilo PHO, nagsasagawa na ng imbestigasyon kaugnay sa 16-anyos na unang kaso ng Omicron Subvariant XBB.1.16 na naitala sa lalawigan
ILOILO- Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Iloilo Provincial Epidemiology and Surveillance Unit sa kaso ng omicron subvariant XBB.1.16 o kilala na “Arcturus” na na-detect sa lalawigan at siya ring pinaka-una sa buong bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Rodney Labis, chief ng Health Service Delivery Division ng Iloilo Provincial Health Office, sinabi nito na 16-anyos ang pasyente, babae, at admitted sa Western Visayas Medical Center noong isinagawa ang specimen collection.
Sa official report ng Department of Health, asymptomatic ang pasyente at ngayo’y naka-recover na.
Ayon kay Labis, ang imbestigasyon ay inasagawa kasama ang concerned local government unit at ang health facility kung saan nanatili ang pasyente.
Ayon naman sa Department of Health Region 6, inaalam pa ng opisina kung paano nahawa ang pasyente o kung saan nito nakuha ang virus.
Inabisuhan rin ang publiko na ipagpatuloy ang pagsunod sa minimum health protocols.
Pinaalalahanan rin ang mga residente sa lalawigan na magpabakuna at mag-avail ng booster shot dahil ito pa rin ayon sa Department of Health ang pinaka-epektibo at best long-term protection laban sa Covid-19.