ILOILO CITY – Ipinagmalaki ng Philippine National Police (PNP) ang mapayapang selebrasyon ng Dinagyang Festival 2020 sa lungsod ng Iloilo.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Capt. Shella Mae Sangrines, tagapagsalita ng Iloilo City Police Office (ICPO), sinabi nito na may binuo silang Task Group Dinagyang na siyang inatasan na magbantay sa buong sa isang linggong selebrasyon.
Ayon kay Sangrines, walang naitalang malalaking insidente kasabay ng Dinagyang Festival maliban na lang sa mga lasing na naaresto.
Nagpasalamat naman si Sangrines sa kooperasyon ng publiko upang maging mapayapa ang selebrasyon.
Magpapatuloy naman ang pagbabantay ng Task Group Dinagyang hanggang sa makauwi ang pinakahuling VIP’s at ambassador na nanood ng Dinagyang Festival.
Samantala umani naman ng papuri ang ginanap na Dinagyang Festival.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Miss Earth 2015 Angelia Ong, sinabi nito na kung ihahambing sa nakaraang pagdiriwang, mas pinaganda ang Dinagyang Festival 2020.
Napag-alaman na si Ong ay lumaki sa lungsod ng Iloilo.