ILOILO CITY – Hihigpitan pa ang hiring process sa Iloilo Provincial Government kasunod ng pagkakadakip ng isang administrative aide ng Iloilo Provincial Budget Office sa isang drug buy-bust na isinagawa ng Iloilo City Drug Enforcement Unit.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Iloilo Governor Arthur Defensor Jr., sinabi nitong magiging requirement na ang drug testing sa pag-hire ng mga empleyado.
Isasailalim rin sa drug test ang mga empleyadong matagal na nagtatrabaho sa Iloilo Provincial Capitol.
Sa ngayon, ikinokonsidera kung random drug test ang isasagawa ng provincial government.
Napag-alamang bago nito, nagpalabas ang gobernador ng Executive Order No. 243 na nagbuo ng fact-finding committee upang imbestigahan ang pagkakahuli sa Administrative Aide IV ng Provincial Budget Office sa drug buy-bust operation noong nakaraang linggo.