Hinamon ni Iloilo Representative Julienne Baronda ang Philippine Drug Enforcement Agency at Philippine National Police na maglabas ng datos o anumang katibayan na susuporta sa naging pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ang Iloilo City ay pinaka “Shabulized” na lungsod sa Pilipinas.
Ginawa ng mambabatas ang panawagan sa isinagawang quad committee hearing kahapon sa San Fernando , Pampanga.
Kung maaalala, sinabi noon ni dating PRRD sa unang bahagi ng kanyang war on drugs na ang Iloilo City ay bedrock ng ilegal na droga.
Tinukoy rin ng dating pangulo ang noo’y alkalde ng lungsod na si Mayor Jed Mabilog bilang drug protector at isa sa umanong narco politician.
Mariin naman itong itinanggi ni Mabilog at sa kabila nito ay nagpatuloy ang pagbabanta sa kanya ni Duterte dahilan para umalis ito ng bansa dahil sa takot sa kanyang buhay.
Kalaunan ay nilinaw ng PDEA-Region VI noong 2017 na hindi kabilang si Mabilog sa listahan ng mga protektor ng ilegal na droga.
Punto ng mambabatas , malinaw na ang mga akusasyon ni Duterte ay layuning ilihis lamang ang attention mula sa pagkakasangkot ng mga ito sa illegal drug trade sa bansa.