GUIMARAS PROVINCE – Nagsagawa nang legislative inquiry ang sangguniang panlalawigan ng Guimaras kaugnay sa nangyaring Iloilo Strait tragedy.
Ito ay dalawang linggo matapos ang pagtaob ng tatlong bangka sa Iloilo Strait na nag-iwan ng 31 mga patay.
Ang legislative inquiry ay pinangunahan ni Guimaras Vice Gov. John Edward Gando kasama ang mga miyembro ng sangguniang panlalawigan.
Napuno ng emosyon ang legislative inquiry kung saan isa-isang binalikan ng mga survivors ang trahedya.
Dito ay naghinagpis ang mga survivors dahil sa usad-pagong umano na rescue operation ng Philippine Coast Guard kung saan umabot pa raw ng halos kalahating oras bago sila natulungan.
Hindi naman sumipot sa legislative inquiry ang Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (Marina).
Ayon kay Vice Gov. Gando, dismayado sila sa pag-isnab ng PCG at Marina gayong pinadalhan nila ang mga ito ng imbitasyon.